By Nat Vergara
Day 7. December 20, 2021
Mga basahin: Roma 8:35, 37-39, Panaghoy 3:20-23
O bakit kaya tuwing pasko ay dumarating na
Ang bawat isa’s para bang namomroblema
Di mo alam ang regalong ibibigay
Ngayong kay hirap na nitong ating buhay
Meron pa kayang karoling at noche Buena
Kung tayo naman ay kapos at wala nang pera
Nakakahiya kung muling pagtaguan mo
Ang 'yong mga inaanak sa araw ng pasko
Nakaka-relate ka ba? Nakakatawa pero tutoo. Hindi nga ba tuwing dumarating ang Pasko, ay mas nagiging busy tayo at mas namomroblema tayo hindi lang sa mga regalo para sa ating pamilya kundi na din namomroblema tayo kung may pambili pa tayo ng regalo at pang handa sa kapaskuhan! Lalo na ngayon na meron tayong pandemic na pinagdadaanan. May ilan sa atin ang mga nawalan ng mga trabaho at may ilan sa atin ang nawalan ng mga mahal sa buhay. Kamakailan lang, ang bagyong si Odette ay nanalasa sa ating bansa, at may mga kapatid at kaanak tayo sa Visayas at Mindanao ang siyang lubhang naapektuhan. Bakit masakit at mas ramdam natin ngayon ang hirap nang ating buhay?
Ngunit kahit na anong mangyari
Ang pag-ibig sana'y mag-hari
Sapat nang si Hesus ang kasama mo
Tuloy na tuloy pa rin ang pasko
Roma 8:35, 37-39
35 Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ang kaguluhan kaya, ang kapighatian, pag-uusig, pagkagutom, kahirapan, panganib, o kamatayan?
37 Hindi! Sa lahat ng mga ito, tayo'y lalong higit pang magtatagumpay sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin. 38 Sapagkat natitiyak kong walang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig. Kahit ang kamatayan o ang buhay, ang mga anghel o ang mga pamunuan at ang mga kapangyarihan, ang kasalukuyan o ang hinaharap, 39 ang kataasan o ang kalaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.
Tulad nga nang nakasaad sa aklat ng Roma. Walang anumang bagay o pangyayari ang makakapag hiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos. At ang pag-ibig na ito ay ibinigay na niya sa atin sa pamamagitan ni Hesu Kristo. At ang pagibig ng Diyos sa katauhan ni Hesus Kristo ay sapat na sa ating mga kasalukuyang hinahangad, siya ay sapat na upang tugunan ang ating mga pangangailangan at siya ang sapat na kasagutan sa ating mga suliranin. Ang kailangan lamang ay buong pusong pagtitiwala sa Kanya.
Ang tanong ay: Naniniwala ka ba nang buong puso na si Hesu Kristo ang makakatugon sa iyong mga pangangailangan? Nanininiwala ka ba kay Hesu Kristo na hindi ka niya pababayaan at ganun din naman, nakahanda ka bang ibigay ang iyong sarili sa Kanya bilang tugon ng iyong buong pagtitiwala sa Diyos?
Panaghoy 3:20-23
20 Lagi ko itong naaalaala, at ako'y labis na napipighati.
21 Gayunma'y nanunumbalik ang aking pag-asa kapag naalala kong:
22 Pag-ibig mo, Yahweh, ay hindi nagmamaliw; kahabagan mo'y walang kapantay.
23 Ito ay laging sariwa bawat umaga; katapatan mo'y napakadakila
Alam ng Diyos ang ating pinagdadaanan, ang bawat sakit at kahirapan. Ngunit tayo ay binigyan na niya ng abang tulong, isang Messiah at Panginoon na nakababatid ng ating kalagayan. Nawa’y sa araw ng kapaskuhan, ay huwag nating tingnan ang ating mga kakulangan o kulang pa (kulang ang pagkain, kulang ang panghanda, kulang ang panggastos at iba pang kakulangan). Bagkus tingnan natin ang kung anu ang ibinigay na sa atin ng Panginoong Hesu Kristo.
Binigyan niya tayo ng bagong buhay, bagong pag-asa, kapatawaran ng ating mga kasalanan, binigyan niya tayo ng pag-ibig niya at relasyon sa Diyos Ama. Tulad nga sa ating awit ngayong araw:
Ngunit kahit na anong mangyari
Ang pag-ibig sana'y mag-hari
Sapat nang si Hesus ang kasama mo
Tuloy na tuloy pa rin ang pasko
Maligayang pasko po sa inyong lahat!
Mga katanungan:
1. Ano ang maaring makapigil sa iyo upang hindi mo maibigay ang iyong buong pusong pagtitiwala kay Hesu Kristo?
2. Sa darating na Pasko, handa ka ba magbahagi ng iyong mga biyaya sa iyong mga kapatid, kaanak o kaibigan na walang inaasahang kapalit?
Panalangin.
Panginoong Diyos. Pinupuri kita at itinataas ang iyong pangalan, sapagkat ikaw ang may alam ng lahat. Patawarin mo ako kung minsan akoy nababagabag ng mga alalahanin ng mundo at nakakalimot magtiwala sa inyo. Palakasin mo po ang aking pananampalataya. At tulungan mo ako maging kuntento at mapagpasalamat sa lahat ng biyaya na meron ako. At matutunan ko din ang magmahal ng aking kapuwa tulad ng iyong pagmamahal sa akin. Ito po ang samo’t dalangin ko sa ngalan po ni Hesu Kristo aming panginoon. Amen.
Comments